Company secretary todas sa holdaper

Agad  na nasawi ang isang 24-anyos na company secretary makaraang paulanan ito ng bala ng tatlong holdaper na pawang nakasakay ng motorsiklo nang tumanggi ang una na ibigay  ang kanyang hand bag, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.   

Hindi na umabot pa nang buhay sa Las Piñas District Hos­pital bunga ng limang tama ng bala sa dibdib mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang biktimang si Arlene Daya­gano, ng 122 Phase 5, Ma­nu­yo 2, ng nabanggit na lungsod.   

Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong  alas-9:10 ng gabi sa Saging St., kanto ng JAA St., CAA, ng na­sabing lungsod.   

Nabatid na unang sinundo ang biktima ng live-in partner nito na si Joven Matinong sa kan­yang pinapasukang opisina sa Saging St., Pasay City. Kasalu­kuyang magkaangkas umano ang maglive-in partner sa sina­sakyang motorsiklo na Honda XRM nang biglang sundan ang mga ito ng mga suspect na mag­kaangkas rin sa isang motor­siklong Yamaha DT na hindi nakuha ang plaka.   

Nang abutan  ang mag-live-in partner ay agad silang hina­rang ng mga suspect at dito ay tinang­kang agawin ng mga suspect mula sa biktima ang dalang shoulder bag.   

Habang inaagaw ng isa sa mga suspect ang shoulder bag ay tumanggi naman ang biktima na ibigay ito dahilan upang pag­babarilin siya ng mga suspect  na nagresulta sa agaran nitong pagkasawi. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments