Retired US Navy ‘tinalo’ ng ka-live-in
Halos maglupasay sa sisi ang isang retired US Navy nang dumulog ito sa himpilan ng pulisya makaraang umano’y simutin ng kanyang Pinay na live-in partner ang halos lahat ng kanyang kagamitan na umaabot sa mahigit sa P1 milyon pati na ang malaking halaga ng kanyang salapi, kamakalawa ng umaga sa Parañaque City.
Luhaang dumulog sa tanggapan ng Station Investigation Division (SID) ng Parañaque City Police ang biktimang si Peter Lawrence, 45, ng 1228 Leo St., Rembo Village II, UPS-5, Sucat, nabanggit na lungsod, upang pormal na magharap ng reklamo sa live-in partner nitong si Ma. Theresa Floresca, nasa hustong gulang.
Batay sa isinagawang imbestigasyon , dakong alas-11:30 ng umaga nang dumating ang biktima galing America at laking-gulat na lamang umano ng huli nang pagpasok nito sa kanyang tinitirhan ay nadiskubre niyang wala na ang suspect at parang dinaanan ng bagyo na nilimas ang lahat niyang kagamitan.
Sa pahayag ng biktima sa pulisya, ang mga gamit na tinangay ng suspect ay kinabibilangan ng 1 Macquintos computer, Sony HDR camera; Honda motorcycle XRM na may plakang IW-2298; Altex computer; sound system; Sony TV with stand, various clothes and linen; 1 external hard drive, electrical cooker; clip seat subwoover; 5 bowels anwilkins stereo speaker, 2 mattresses at cash money na P180,000.00.
Ayon kay Lawrence, labis siyang nagtiwala sa kanyang live-in partner kung kaya’t ganun na lamang niya ipinagkatiwala ang kanyang mamahaling kagamitan at salapi.
Sinabi pa ni Lawrence sa pulisya na sa kanyang sinapit ngayon ay talo pa umano niya ang isang nasunugan dahil pati lahat ng mga damit niya ay tinangay din ng suspect.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa ikakaaresto ng nasabing suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending