Dalawa katao ang nasawi makaraang pagtulungang ataduhin sa isang rambulan ng magkalabang grupo ng mga kabataan, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Taguig Pateros Hospital sanhi ng pitong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Owen Villa, 28, ng ISG Village, Western, Bicutan, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima.
Batay sa ulat ng Taguig Police, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa Intelligence Security Group (ISG) Village, Western Bicutan.
Nabatid na nagkasagupa ang dalawang grupo ng kabataan na pawang armado ng mga pamalo at patalim hanggang sa magrambulan ang mga ito.
Matapos ang ilang minutong sagupaan ay nakitang duguang nakahandusay sa lupa ang mga biktima, dahilan upang magkanya-kanyang pulasan ang magkabilang grupo.
Agad namang dinala sa nabanggit na pagamutan ang mga biktima subalit hindi na naisalba pa ang buhay ng mga ito.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay wala pang naaarestong suspect ang pulisya hinggil sa nasabing insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)