Isinalang na sa internal investigation ng Philippine National Police (PNP) ang tinaguriang “Friendster cop “na kumalat ang malaswang larawan na nakasuot ng kulay pulang bra sa website.
Kahapon ay inamin ni PNP Chief Director General Oscar Calderon na bumaba ang moral ng mga pulis partikular na ang mga babae sa kanilang hanay matapos sumingaw ang indecent photo ng isang itinago sa alyas na Queen Rubie.
Si Queen Rubie, isa sa mga policewoman na nakatalaga sa tanggapan ni Calderon sa Camp Crame ay nahaharap sa kasong grave misconduct at conduct unbecoming an officer na sa sandaling mapatunayang guilty ay maaaring mapatalsik sa serbisyo. Ang nasabing lady cop ay nagtapos sa Misamis University. Sinabi ni Calderon na itinanggi ni Queen Rubie na siya ang nasabing lady cop na siya ang nasa larawan at nag-upload ng naturang indecent photo sa kaniyang friendster account, gayunman sinisimulan na ang imbestigasyon ukol dito.
Samantala, nakakatanggap naman ngayon ng sunud-sunod na pagbabanta sa buhay ang ina ng 9-anyos na batang babae na unang nakakita sa mga malalaswang larawan ng nasabing policewoman.
Nabatid kahapon ng PSN mula sa tanggapan ni Napolcom Commissioner Bernardo Calibo na mula nang ibunyag ni Gng. Corazon Santos ng Cainta, Rizal ang nasabing malalaswang larawan ng naturang Queen Rubie na nasa edad 30 at may ranggong P02 ay may mga aali-aligid ng grupo ng hindi kilalang kalalakihan sa labas ng kanilang bahay.
Bunga nito ay humihingi naman ng tulong si Santos sa mga mamamahayag na tulungan silang mabigyan ng proteksiyon partikular na ang 9-anyos na anak nitong babae. Si Gng. Santos ang tumatayong complainant sa kasong isasampa laban kay Queen Rubie. (Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro)