Pinagbabaril hanggang mapatay ng apat na hinihinalang miyembro ng kilabot na motorcycle gang ang isang 43-anyos na negosyante makaraang holdapin nila ito at kuhanan ng P80,000 cash sa Valenzuela City kahapon ng umaga.
Wala nang buhay nang maisugod sa Novaliches General Hospital ang biktimang si Joselito Casimiro ng Barangay Bignay ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa dibdib at hita nito buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Sinabi ng pulisya na, habang sakay ng kanilang Izusu Elf van na nakaparada sa harap ng kanilang bahay sina Casimiro at kanyang asawa bandang alas-6:30 ng umaga, biglang lumapit ang mga suspek at hinablot ang bag ng ginang na naglalaman ng pera. Pumalag ang biktima na ikinairita ng isa sa mga suspek at binaril ang negosyante bago tumakas lulan ng kanilang motorsiklo at tangay ang P80,000.