Pedicab driver todas sa parak
Binaril ng isang pulis- Maynila ang isang pedicab driver na umano’y pumalag na magpa-medical check-up makaraang makipagsuntukan sa kapwa pedicab driver sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi. Ayon sa report ng pulisya, dead on the spot ang biktimang si Edgardo Verano, 40, binata ng 251 Hernandez St., Bo. Magsaysay Tondo sanhi ng tama ng bala sa leeg. Habang sumuko naman ang pulis na si PO1 Danilo Flores, 32, may-asawa,nakalataga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO)-Bicutan, Taguig City at residente ng 409 Int., 13 Inocencio St., Tondo matapos ang insidente. Ayon sa ulat dakong alas- 9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Brgy. Hall ng Brgy. 91 Zone 8 District 1, Tondo. Nauna dito, nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at kasamahan nitong pedicab driver na nakilala lamang sa pangalang Morales hanggang sa suntukin ng una ang huli. Ang insidente ay nasaksihan ni Flores at tinangka nitong awatin ang dalawa subalit pumalag ang biktima dahil sa lasing ito kaya dinala ng una ang dalawa sa tanggapan ng brgy. hall upang i-blotter. Habang iniimbestigahan sa barangay ay sinabihan ng pulis ang barangay officials na dalhin sa ospital ang dalawang driver para ipa-check-up subalit tumanggi ang biktima at naglabas pa ng pataim at tinangkang sunggaban ang pulis na si Flores. Dahil dito, mabilis namang binaril ni Flores si Verano na naging dahilan ng kamatayan nito. (Grace dela Cruz)
Amasona timbog sa kotong
Arestado ang isang 54-anyos na babaeng umano’y miyembro ng New Peoples Army (NPA) makaraang tangkain nitong hingan ng revolutionary tax ang mga madre sa isang kumbento, kamakalawa ng hapon sa Marikina City. Kinilala ang suspect na si Teresita Velasco, alyas Tetet, biyuda at residente ng Brgy. San Jose, Alabang, Muntinlupa City. Ayon kay Supt. Sotero Ramos, hepe ng Marikina police, naaresto ang suspect dakong alas-5 ng hapon makaraang magsagawa ng entrapment operation ang pulisya hinggil sa reklamo ng mga madre sa Missionary Sisters of Sacred Heart Convent na matatagpuan sa Brgy. Fortune ng lungsod na ito. Sa reklamo ni Mother Superior Gemma Silverio sa tanggapan ni Ramos, isang tawag ang kanilang natanggap noong nakaraang araw mula sa isang nagpakilalang Cherry Chavez at hinihingan ng halagang P2,000 ang pamunuan ng kumbento bilang revolutionary tax umano sa mga sugatang rebelde para pambili ng gamot. Saad pa ng caller na ang kautusan ay mula umano kay NPA spokesman Rogelio “Ka Roger” Rosal at kinakailangang makuha ang pera sa lalong madaling panahon. Dahil dito agad na humingi ng tulong ang nasabing madre sa pulisya na siya namang agarang nagsagawa ng entrapment operation na ikinahuli ng suspect. Kasalukuyang nakapiit ang suspect sa Marikina PNP at kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation at habang inihahanda ang kaukulang kaso dito. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending