Nandaya raw sa sugal, kinatay

Mistulang kinatay na baboy ang isang lalaki matapos pag­tulungang ataduhin ng dalawang lalaki na kalaro nito sa sugal na cara y cruz makaraang paghinalaan ang una na nandadaya, kaha­pon ng madaling-araw sa Pasay City.

Patay na ng idating sa Pasay General Hospital ang biktimang si Henry Mabag, 41, may-asawa ng Saint Agustin St. Bgy. Mari­caban ng nabanggit na lungsod sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ng Pasay City Police para sa agarang ikadarakip at sa tunay na pagka­kaki­lanlan ng mga suspect na nakilala lamang sa mga alyas na Tuyo de Asis at Liit na mabilis na nagsitakas matapos ang pama­maslang sa biktima.

Sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-12:35 ng ma­daling-araw nang maganap ang krimen ‘di kalayuan sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.      

Nabatid na bago ang insidente, kasalukuyan umanong naglalaro ng sugal na cara y cruz  ang biktima at ang mga suspect nang bigla na lamang nagtalo ang mga ito.

Nabatid na nauwi sa mainitang pagtatalo ang nasabing pagsu­sugal hanggang sa maglabas ng patalim ang mga salarin at walang habas na pinag-uundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng ka­tawan ang huli hanggang sa bawian ito ng buhay.

Ayon sa ilang residente na nakasaksi sa pangyayari, pinag­bibintangan umano ng mga suspect ang biktima na dinadaya sila nito hanggang sa mag-desisyon ang mga ito na pagtulungang ataduhin ang huli na nagresulta sa agaran nitong pagkasawi. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments