Labis na dinamdam umano ng isang warehouse supervisor ang paghihinala sa kanya ng namamahala sa kompanyang pinaglilingkuran na siya ay nagpupuslit ng mga produkto kung kaya’t mas minabuti umano ng una na kitlin ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob mismo ng warehouse, kahapon ng umaga sa Makati City.
Lawit ang dila nang matagpuan ang nakabitin na bangkay ng biktima na si Johnny Hizon, 50, sa warehouse ng pinaglilingkuran nitong kompanya sa Vito Cruz Ext., Brgy. Sta Cruz, nabanggit na lungsod. Lumalabas sa ulat na bago umano natagpuan ang bangkay ng biktima ay nagkaroon muna ng pagpupulong sa kanilang kompanya kamakalawa ng gabi kaugnay sa nawawalang mga gamit at mga produkto kung saan ay labis umanong nasermunan ang biktima.
May teyorya naman ang pulisya na posibleng labis na dinamdam ito ng biktima at hindi na rin nito nakaya ang kahihiyang dinanas na nag-udyok sa kanyang ginawang pagpapatiwakal.
Nabatid pa na ang biktima ay matagal ng naglilingkod sa nasabing kompanya at dito na rin ito nakatira sa loob ng warehouse. (Rose Tamayo-Tesoro)