Patay ang isang barangay kagawad makaraang paulanan ng bala ng isang ex-convict na nakulitan sa pagtatanong ng una sa tunay na pagkakakilanlan sa huli, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nasawi noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Mario Sevilla, 48, Brgy. kagawad ng 124 Zone 12, nabanggit na lungsod sanhi ng maraming tama ng bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan nito.
Batay sa ulat, dakong alas-3:45 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa Ventanilla St., nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang pinaghahanap pa ng pulisya ang suspect na si Angelo Lebrado, alyas “Egay”, na mabilis na tumakas matapos ang nasabing krimen.
Nabatid na nag-ugat ang pamamaslang ng suspect sa biktima makaraang mairita at makulitan umano ang una sa pang-uusisa nito sa kanyang tunay na pagkakakilanlan sa eksaktong tirahan at iba pang personal na impormasyon.
Ayon naman sa ilang mga residente ng nabanggit na lugar, una na nilang inireklamo sa biktima ang unang pagwawala ng suspect kamakalawa kung saan ay nagbanta pa itong susunugin ang kanilang barangay dahilan upang komprontahin umano ito ng kagawad na nauwi naman sa pamamaslang dito. (Rose Tamayo-Tesoro)