Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Southern Police District (SPD) at Intelligence Services of the Armed Forces of the Phil. (ISAFP) operatives ang isang nagpanggap na ISAFP colonel at umano’y aide nito, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng operatiba kung may kinalaman sa Jonas Burgos kidnapping ang mga suspect na si Orlando Pablico, 48, tubong-Ilocos Sur, pansamantalang naninirahan sa 12 Karingalan St., Joseph Subd. at ang aide nito na si Ursenio Faburada, 50-anyos na residente naman ng MB-18 Room 404, 4th Floor, BCDA, ng nabanggit na lungsod.
Sa panayam ng PSN kay Senior Supt. Jaime Calungsud, OIC Director ng SPD, ang mga suspect ay naaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga nabanggit na operatiba dakong alas-2 ng hapon sa isang gasoline station sa C-5 Road, Taguig City.
Nabatid pa kay Calungsud na nag-ugat ang pagkakahuli sa mga suspect makaraang maging positibo ang ibinigay na impormasyon sa kanila ng isang impormante.
Ayon kay Calungsod na suot pa ang uniporme ng isang ISAF colonel na may nakakabit na iba’t ibang medalya at insignia nang maaresto si Pablico at nakuha rin sa kanilang posesyon ang iba’t ibang kalibre ng baril na kinabibilangan ng dalawang .45 caliber at isang .38 caliber revolver.
Bukod pa rito ay nabawi rin ng operatiba ang marked money na ginamit ng isang poseur buyer na nagpanggap na bibili sa mga nabanggit na suspect ng armas, pati na ang bulto ng mga pekeng ID ng ISAFP na ipinamumudmod ng mga huli sa kanilang mga recruits.
Nang tanungin naman ng PSN si Pablico, sinabi nito na pag-aari ng namatay niyang tiyuhin na si ISAF colonel Orlando Pablico na dating nakatalaga sa Army Intelligence Unit ng Southern Command, Zamboanga City ang nasabing uniporme o insignia na suot niya. (Rose Tamayo-Tesoro)