Brutal na pinaslang ang isang 32-anyos na pipi’t bingi na dalaga makaraan itong halayin ng isang vulcanizer, kahapon ng madaling-araw sa Makati City. Nakilala ang biktima na si Rossana Bantillan, mani vendor at residente ng Hermosa St., Brgy. San Roque, bayan ng Pateros. Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect na kinilalang si Lorenzo Balmore, alyas “Bulka”, stay-in worker ng isang vulcanizing shop sa Purok 1, Lot 34, Block 55, Mansanas St., corner Roraville, Brgy. Rizal, Makati City. Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-3 ng madaling-araw nang matuklasan ng isang Percival Ojeda, amo ng suspect ang bangkay ng biktima. Nabatid na hindi na nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima dahil sa pagiging pipi nito. Napag-alaman pa na tadtad ng saksak sa iba’t ibang parte ang hubo’t hubad na bangkay ng biktima nang matagpuan ito. (Rose Tamayo-Tesoro)