Dalawa ang patay, habang anim pa ang malubhang nasugatan makaraan ang sampung minutong palitan ng putok sa pagitan ng mga guwardiya ng banko at ng 20 armadong miyembro ng “Abuyog Holdup & Roberry Syndicate” na nagtangkang mang-holdap, kahapon ng tanghali sa isang sangay ng Banco de Oro sa loob ng isang mall sa Sucat, Parañaque City.
Dead-on-arrival sa Olivarez Hospital ang mga biktima na sina John Rey Awacay at Felizardo Castillo, dalawa sa anim na security guard ng nasabing banko na pawang empleyado ng Royal Mandarin Security Agency.
Kasalukuyan namang nasa kritikal na kondisyon sa nabanggit ding pagamutan ang isa pang sekyu na si Ronald Florez, isang roving teller ng nasabing banko na kinilala lamang sa pangalan na Adrian at isa pang Oscar Barbo.
Malubha ring nasugatan sa nasabing insidente ang isang estudyante na kinilalang si Viking Magnaye ng Moonwalk, Las Piñas City.
Batay naman sa panayam ng PSN sa saksi na si Meriam Evasco, 46, negosyante, dakong alas-12:45 nang biglang magsidatingan ang 20 armadong kalalakihan na pawang armado ng Armalite, .45 kalibre ng baril at 9mm pistol.
Nabatid na unang binalak ng mga suspect na i-intercept ang perang ilalabas sana ng mga teller at guwardiya mula sa loob ng nasabing banko na nakatakdang isakay sa armored van na naka-istambay sa harapan ng nasabing banko sa likurang bahagi ng mall.
Nabigo umanong makuha ng mga suspect ang pera nang idaan ito ng mga sekyu at teller sa secret door ng nasabing banko dahilan upang mabuko ang balak na panghuholdap ng mga una hanggang sa mauwi ito sa palitan ng putok.
Bagama’t .35 caliber at isang shotgun lamang ang armas ng mga guwardiya ay nagawa nilang maitaboy ang mga suspect at naprotektahan ang mga kostumer at ilang mga sibilyan sa posibleng panghu-hostage ng mga huli.
Napag-alaman na niratrat ng mga suspect ang mga biktima gamit ang mga armas na armalite kung saan lumalabas sa imbestigasyon na pawang may mga tama sa dibdib at iba pang parte ng katawan ang mga ito.
Nadamay naman ang ilan pang mga sasakyan na nakaparada malapit sa pinangyarihan ng insidente, habang halos magkaroon naman ng stampede sa mga mamimili ng nasabing mall na nag-unahang magsipanakbuhan sa mga storage at fitting rooms ng gusali.
Matapos ang putukan ay nahati sa tatlong grupo na nagsitakas ang mga suspect sa pamamagitan ng pang-aagaw ng mga sasakyan kabilang na ang isang transit cement mixer na may plakang RDX 382 na pag-aari ng MGS Company.
Tinutukan umano ng baril ng apat sa mga suspect ang driver ng nasabing truck na kinilala lamang sa pangalang Benitez at minanduhan itong imaneho, hanggang sa tuluyan nila itong iabandona sa Link Road, Las Piñas, C-5 Station.
Narekober din ang dalawa pang get-away vehicle ng mga suspect na pawang inagaw din ng mga ito sa may Gatchalian Village, Parañaque City.
Kinilala naman ang isa sa mga suspect na si Bobby Baliber na isa sa mga most wanted ng pulisya na may standing warrant of arrest sa mga kasong robbery, holdup at murder, habang hindi naman nakuha pa ang pangalan ng isa sa mga sugatan at nakatakas na suspect.