Binabalak ng mga operator ng mga pampasaherong dyipni na gumamit na lang ng liquified petroleum gas (LPG) sa kanilang mga sasakyan kung hindi maipapababa ng pamahalaan ang presyo ng diesel o maibalik sa P7.50 ang minimum na pasahe.
Sinabi kahapon ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines President Zenaida Maranan na ang pagpalit ng ginagamit nilang langis sa dyipni ang isang pinamimilian nilang alternatibo.
Pero nangangamba naman sina Maranan na baka naman magtaasan ang presyo ng LPG kapag ito na ang gagamitin nila bilang langis sa mga dyipni.