Dalawang pulis na sina PO3 Jonathan Campul at PO2 Samuel Benedictos ng Police Community Precint 1 ng Caloocan City Police ang nahaharap ngayon sa kasong robbery-extortion dahil sa reklamo ng inhinyerong si Rosalyn Sayajon, 29, administrative officer ng K8 International Graphics Design and Services.
Inireklamo ni Sayajon na habang pinangangasiwaan niya ang pagdidiskarga ng mga office material at furniture mula sa isang container van sa Barangay 81 sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw, biglang dumating sina Campul at Benedictos lulan ng isang patrol car.
Sinabi ni Sayajon na hiningan siya ni Campul ng P6,000 para maareglo ang kakulangan nila sa mga kinakailangang dokumento. Napilitan siyang magbigay dahil nanakot ang pulis na tatanggalin ang kanilang plaka. Gayunman, tinangay din ng mga suspek ang kanilang bill of lading at gate pass. Kasunod nito, tinawagan siya ni Campul sa cellphone at humihingi ng dagdag na P10,000 para mai-release ang kanilang mga dokumento. (Lordeth Bonilla)