Bilang pagtupad sa reward system ng pamahalaan, ibinigay na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang P12 milyong pabuya sa mga sibilyang impormante na nagbigay ng impormasyon para sa pagkakatuklas ng mga shabu laboratory at bodega sa buong bansa.
Pinangunahan ni Director General Dionisio Santiago ang pagbibigay ng kabuuang P12,302,735 na monetary reward sa 29 na mga impormante sa PDEA Headquarters kamakalawa ng hapon. Ang kooperasyon ng naturang mga impormante ay nagresulta sa pagkakatuklas sa pitong shabu laboratory; isang bodega ng shabu; pagkakakumpiska ng 1,299 kilo ng shabu; 42,209 litro ng mga iligal na kemikal; 3,688 kilo ng ephedrine; 91,443 kilo ng marijuana at 993 gramo ng cocaine.
Nagresulta rin ang ibinahaging impormasyon sa pagkakaaresto sa 57 mga personalidad sa droga ka bilang na ang siyam na Chinese/Taiwanese nationals. Tatlo ring Chinese nationals na naaresto ang kabilang sa wanted list ng mga kilalang manufacturer at trafficker ng droga sa buong Asya.
Umabot rin sa 16 na matagumpay na buy bust operation at tatlong operasyon sa pagkakasabat sa transportasyon ng marijuana ang naging resulta ng pakikipagtulungan ng mga impormante.
Nabatid na sumailalim muna sa masusing deliberasyon ng Private Eye Reward Committee ang pagbibigay ng naturang reward money upang matiyak na nararapat ang mga bibigyang impormante. (Danilo Garcia)