Inihayag kahapon ni Manila Mayor Lito Atienza na ipinatutupad na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang lahat ng kaukulang measures para matiyak na magiging maayos ang pagbubukas ng klase sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa susunod na linggo. “Lahat ng ahensiya ay atin nang inihanda para sa pagbubukas ng klase . Nailatag na rin ang lahat ng seguridad para sa mga mag-aaral na magbabalik eskuwela”, pahayag pa ni Atienza. Sa report ni Manila Division of City Schools (DCS) Superintendent Dr. Ma. Luisa Quinones na walang magaganap na shortage sa mga classrooms at upuan para sa mga estudyante.
Bukod dito, iniutos din ni Mayor Atienza sa Manila District Traffic Enforcement Office at Manila Traffic and Parking Bureau na magpakalat ng sapat na bilang ng mga traffic enforcers para mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at pedestrian traffic sa lahat ng mga pangunahing lansangan. Ang Manila ay may dalawang University Belts, isa sa Recto at isa sa Taft Avenue. Magtatalaga rin ng mga tauhan ng pulisya at barangay patrols sa paligid ng mga paaralan para masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral. (Gemma Amargo-Garcia)