Isa na namang lalaki ang nasawi makaraang makipagpatintero at mabundol ng humahagibis na bus habang sabog umano sa rugby kahapon ng umaga sa EDSA, Balintawak, Quezon City.
Agad na nasawi makaraang mabagok ang ulo at magkabali-bali ang buto ng biktimang nakilala lamang sa alyas na Crisanto, nasa pagitan ng edad na 20-25 anyos at isa umanong palaboy sa Balintawak Market.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Traffic Bureau, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa gitna ng EDSA sa harapan ng naturang palengke. Pabalik-balik na tumatawid ang biktima sa northbound lane ng EDSA matapos na makakarga umano ng rugby.
Nahagip naman ito ng rumaragasang bus ng Philippine Rabbit na may plakang (SVN-903). Hindi naman huminto ang hindi pa nakikilalang driver nito at pinasibad ang bus upang takasan ang naaksidente nito. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng ilang metro ang biktima sa kalsada at nagpagulung-gulong sanhi ng pagkakalasug-lasog ng katawan nito.
Nagsasagawa naman ngayon ng imbestigasyon ang pulisya sa pamunuan ng Philippine Rabbit upang makilala ang driver ng naturang bus at mapanagot sa naturang insidente. (Danilo Garcia)