Puwersahang kinuha ng apat na hindi nakikilalang suspect ang mahigit sa P.7 milyong cash sa teller ng isang banko kahapon ng umaga sa Quezon City.
Ang naturang halaga na kinuha ng bank teller na si Andy Paul Ticzon, ng China Bank sa isang sikat na fastfood chain para ideposito ay tinangay ng apat na suspect lulan ng dalawang motorsiklo.
Isang sikat na fastfood chain ang pinasok ng mga kilabot na “motorcycle robbery gang” at tinangay ang higit sa P.7 milyon na kinita nito sa loob ng isang linggo na nakatakda na sanang ideposito sa katabing bangko, kahapon ng umaga sa Quezon City.
Ayon sa report, naganap ang insidente dakong alas-9:40 ng umaga sa naturang fastfood chain na nasa E. Rodriguez Ave. ng nabanggit na lungsod. Nabatid na kinolekta ni Ticzon ang kita ng fastfood sa loob ng tatlong araw na aabot sa P774,000 upang ideposito sa pinapasukan niyang banko. Nang papalabas na ng fastfood, dito na nilapitan ng dalawang suspek si Ticzon at tinutukan ng baril saka sapilitang tinangay ang dalang salapi. Nagpaputok pa ng baril sa ere ang mga suspek bago tumakas.
Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya ngunit hindi na nagawa pang matukoy ang mga suspek. Namukhaan naman ng mga saksi ang mga suspek at nakatakdang lumikha ng cartographic sketch.
Ayon sa pulisya, posibleng matagal nang minamanmanan ng grupo ang operasyon ng naturang fastfood at maaaring may kontak rin ito sa mga empleyado na nagbibigay ng tip sa oras ng paglalabas ng pera nito. (Danilo Garcia)