Natangayan ng halos isang milyong piso ang kolektor ng Petron Corp. matapos na harangin ang sinasakyang van at holdapin ito sa San Marcelino St., Maynila, kahapon.
Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), ang insidente ay naganap dakong alas-6:45 ng umaga sa panulukan ng San Marcelino at Pedro Gil kung saan hinarang ng mga suspect ang mga biktima na noon ay sakay ng isang Nissan Urvan na may plakang WTV 619 na sinasakyan ng kolektor ng Petron na si Cristina Cruz, cashier.
Kasama ni Cruz sa loob ng van na sinasakyan nito ang apat na empleyado pa ng Petron at ang driver na nakilalang si River Pablo Remoto, 44, driver ng Petron. Laking gulat na lamang umano ng mga empleyado nang bigla silang harangin at pasukin ng mga suspects sa van.
Mabilis umanong kinuha ng mga suspects ang kahon ng zesto na pinaglalagyan ng P900,000. na kinita ng Petron mula sa iba’t ibang branch nito.
Tinitingnan ng pulisya ang anggulo na inside job lalo na sa driver na si Remoto na tanging nakakaalam sa dalang pera.
Malaki rin ang ipinagtataka ng pulisya na palaging sa balikat lamang binabaril ng mga holdaper si Remoto gayung pang-apat na beses nang nahoholdap ang Petron na ito palagi ang siyang nagmamaneho ng service car ng Petron.
Narekober naman ng pulisya ang anim na empty shell mula sa .45 baril ng mga suspects. Pinaghihinalaan naman na mga miyembro ng harurot gang ang mga ito. (Grace Amargo dela Cruz)