88 kolehiyo at unibersidad magtataas ng matrikula
Inaprubahan kahapon ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagtaas ng may average na 7.66 porsyento sa tuition fee ng 88 pribadong kolehiyo at unibersidad sa National Capital Region (NCR).
Sa isinagawang press briefing ni CHED Chairman Dr. Carlito Puno kahapon, sinabi din nito na inaasahang aabot sa 2.541 mil yong mga college student ang magsisipagbalikan sa umpisa ng klase sa Hunyo 13.
Ayon kay Puno na ang tuition fee hike na epektibo ngayong school year 2007-2008 ay kanilang pinayagan sa mga nasabing kolehiyo at unibersidad dahil ang mga ito rin ay may usapang Collective Bargaining Agreement (CBA) na nagsasaad ng 10 porsyentong dagdag suweldo sa kanilang mga guro at school personnel kada taon.
Sa 88 kolehiyo at unibersidad na pinayagang magtaas ng tuition, 50 sa mga ito ang humingi ng mas mababa pa sa 6.2 percent inflation rate habang 38 naman ang humingi ng mas mataas pa sa nasabing porsyento.
Dagdag pa ni Puno na sa 299 na private colleges at universities sa NCR, ang 88 eskwelahan ay katumbas lamang ng 29 percent lamang na pinagbigyan ng tuition fee hike.
Ang Polytechnic Institute sa Mandaluyong City ang may pinakamataas hininging increase na aabot sa 64.28 percent habang ang St. Louis College sa Valenzuela City naman ang may pinakamababang increase na aabot lang sa 0.94 percent.
Samantala nauna ng sinabi ng Department of Education (DepEd) na 51 private elementary school at 40 high school ang magdadagdag ng tuition fee ngayong katapusan sa NCR.
- Latest
- Trending