Hinihiling ng ilang grupo ng mga marino sa Philippine Overseas Employment Administration na magpalabas ng maliwanag na batayan ukol sa foreign exchange rates na ginagamit ng mga manning agencies sa bansa sa gitna ng patuloy na pag-angat ng piso laban sa dolyar nitong mga nakalipas na linggo.
Sa isang liham kay POEA Administrator Rosalinda Baldoz, nakiusap sina Capt. Reynaldo Valeros ng Crewing Managers Association of the Philippines; Capt. Nestor Vargas ng Seamen Party; Capt. Leuel Osena ng Maritime Integrity at Engr. Nelson Ramirez ng United Filipino Seafarers na magbigay ng akmang patakaran kaugnay sa mga ‘allotments’ ng mga pamilya ng mga marino.
Partikular na hiniling ng mga marino ang tamang batayan sa ‘foreign exchange rates’ na siyang dapat gamitin ng mga manning agencies sa kanilang payroll scheme, alang-alang sa kapakanan ng mga libo-libong Pilipinong marino na naapektuhan sa patuloy na paglakas ng piso. (Mer Layson)