Naiproklama na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang kamay ni re-electionist Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad ng Partido ng Masang Pilipino bilang nagwagi sa mayoralty race, kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod.
Si Trinidad kasama ang bise mayor nito na si Antonio Calixto at Dr. Jose Antonio Roxas na nagwagi naman bilang kongresista ng lungsod ay iprinoklama ni Atty. Antoniete Soriano, chairman ng Pasay City Board of Canvassers dakong alas-12:15 ng madaling-araw. Nabatid na nagkupo ng kabuuang boto na 72,446 si Trinidad laban kay dating Congw at LAKAS- Kampi candidate Connie Dy na nakakuha lamang ng 66,444 boto.
Samantalang si Calixto naman ay nakapagtala ng 77,280 boto laban sa kaalyado ni Dy na si Arvin Tolentino. Nakatakda namang umupo sa kanyang pwesto si Trinidad ngayong Hunyo 1 matapos na awtomatikong mapawalang-bisa ang kanyang 6 months suspension na ipinataw ng Ombudsman sa kasong administratibo na kinakaharap nito dahil sa kanyang pagkakapanalo sa mayoralty race. (Rose Tamayo-Tesoro)