Dalawang lalaki ang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala sa walang habas na pagpapaputok umano ng baril ng dalawang tauhan ni Optical Media Board Chairman Edu Manzano nang sumalakay ang mga ito sa mga tindahan ng mga piratang VCD at DVD sa isang mall sa Mandaluyong City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Abdul Malic Saronsamin, 27-anyos, negosyante at residente ng Sampaloc Manila at Jaman Bulay, 17, helper at residente ng Islamic Area sa Quiapo, Manila.
Ayon sa ulat ni SP04 Jaime Masilang, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon sa unang palapag ng St. Francis Square sa Ortigas Center.
Sinasalakay ng mga tauhan ng OMB ang naturang mga tindahan nang magpaputok umano ng baril ang dalawa sa mga tauhan ni Manzano. Sinabi ng mga biktima na inireklamo nila kay Manzano ang pangyayari pero hindi umano sila pinansin nito. (Joy Cantos)