Natapos na rin ang tension sa pulitika sa Pasig City matapos na ideklara ng Commission on Election (COMELEC) si Robert “Bobby” Eusebio bilang bagong alkalde ng lungsod at talunin si Robert “Dodot” Jaworski kahapon ng madaling araw. Dakong alas 9;00 ng gabi ng matapos ang opisyal na bilang ng COMELEC at nanalo si Eusebio matapos makakuha ng kabuuang bilang na 116,463 boto laban kay Jaworski na may 107,141 boto. Subalit bago natapos ang bilangan ay malala ang tensyong naganap sa labas ng canvassing area sa Pasig City gym dahil sa palitan ng mga maaanghang na salita ng libu-libong supporters ng magkabilang grupo na muntik pang umabot sa rambulan kundi lang napigilan ng halos 80 kapulisan na nakapaligid sa Pasig gym kung saan ginanap ang bilangan. Dakong alas-5 na ng madaling araw ng matuloy ang proklamasyon ng COMELEC kay Bobby Eusebio, papalitan nito sa pagiging alkalde ng lungsod ang kanyang amang si Vicente “Enteng” Eusebio na mas pinili na huwag tumakbo at ipasa sa kanyang anak ang kandidatura. (Edwin Balasa)