Binalot ng tensyon ang ilang mga empleyado ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos na matagpuan ang isang granada na wala nang pin sa ikala wang palapag ng gusali kahapon ng hapon sa Quezon City.
Ayon kay Feliciano Regis, direktor ng Office of Public Affairs (OPA), natagpuan ng mga janitor na sina Rodrigo Padrige at Marcelo Parada ang granada dakong alas-3:15 ng hapon sa may bintana malapit sa aircon unit ng Personnel Division Office sa ikalawang palapag ng gusali sa Edsa sa nabanggit na lungsod.
Nililinis ng mga janitor ang naturang lugar nang makita ng mga ito ang granada at agad na iniulat sa security division ng DILG. Dahan-dahan namang kinuha ng mga guwardiya ang granada at saka tumawag sa Bomb Disposal Unit ng Quezon City Police District (QCPD).
Sinabi ni Regis na base sa mga imbestigador ng Bomb Disposal Unit, isang M26 fragmentation grenade ang nakita ng mga janitor kung saan wala na itong pin pero meron pang safety clip kaya hindi ito sumabog.
“Ang hinala ng mga imbestigador diyan, maaaring matagal na dyan ang granada. Hinagis pero hindi pumutok. Kasi two years ago nakakatanggap ng maraming bomb threat ang DILG saka nitong nakaraang taon,” ayon kay Regis. (Danilo Garcia)