Isang 48-anyos na lalaki ang namatay matapos na magbaril ito sa sarili habang patuloy na nakikipambuno kay kamatayan sa pagamutan ang live-in partner nito na kanyang binaril ng tatlong ulit kahapon ng umaga sa Lungsod ng Pasig.
Ang biktima na patuloy na isinasailalim sa operasyon ay kinilalang si Palerma Marcado, 39-anyos at nakatira sa Camachile st., Nagpayong Brgy. Pinagbuhatan habang kinilala naman ang suspect na si Nilo Bacarro, 48, live-in partner ng una at isang retiradong Army at nakatira sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat ni PO2 Gino Dancel, naganap ang insidente sa loob ng bahay ng magka-live-in dakong alas-7:30 ng umaga.
Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo ang mga ito sa hindi pa mabatid na dahilan na umabot sa pamamaril ng suspect sa biktima.
Sa pag-aakalang napatay na niya ang kinakasama ay nagbaril din sa kanyang sarili ang suspect na dahilan ng agarang kamatayan nito.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa nasabing kaso. (Edwin Balasa)