Laslas ang leeg, bago tinarakan sa kanang kilikili ang isang 49-anyos na ginang ng kanyang asawa at natagpuang wala ng buhay sa comfort room, kamakalawa ng gabi sa Sta.Cruz, Manila .
Kinilala ang biktimang si Adelaida Mangcoy, helper at stay-in sa #2420 Felix Huertas St., Sta.Cruz, Manila, samantalang, tinutugis naman ng pulisya ang suspect na si Roberto Mangcoy, 50, walang hanapbuhay; tubong Villa Pag-asa, Oriental Mindoro.
Ayon kay Det. Virgo Villareal ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11 ng gabi nang matagpuan ang duguang biktima sa loob ng comfort room sa ibabang palapag ng bahay sa Felix Huertas St .
Bago ang krimen, nakitang nag-uusap ang biktima at ang mister nito sa ika-2 palapag habang nakaupo pa ang biktima sa silya.
Naisipan pa ng biktima na tumayo para umihi at nang bumaba ay sinundan ni mister at pagsapit sa comfort room dito na pinagsasaksak ang ginang.
Lumilitaw na selos ang unang motibong binubusisi ng pulisya, dahil malimit umanong magtungo doon ang binatang kapatid ng suspect.
Narinig umano ng ilang kasambahay na nagtatalo ang ginang at ang suspect sa madalas na pagpunta ng kapatid ng huli.
Isang manhunt operation naman ang inilunsad ng pulisya laban sa tumakas na suspect.