Nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District, ang itinuturong gunman at isa pang suspect na pumatay sa isang barangay chairman sa Sampaloc, Maynila noong nakaraang buwan.
Nakilala ang mga nadakip na sina Montano dela Rosa Jr., 54, dating miyembro ng Philippine Constabulary (PC), at Armando Torres, 43, kapwa stay-in sa RCJ Line Bus Terminal na matatagpuan sa Earnshaw St., sa Sampaloc ay kasalukuyang pinipigil sa tanggapan ng MPD-Homicide Section.
Tumakas ang dalawa matapos umano ang pagpatay sa biktimang si Chairman Mar Santos ng Brgy. 461 Zone 45 Sampaloc.
Ayon sa ulat ni Chief Insp. Alejandro Yanquiling Jr., dakong ala-1:35 ng madaling-araw nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang bus terminal matapos na makatanggap ng impormasyon na nagbalik dito ang dalawang suspect.
Una rito, nitong nakaraang Abril 7 ng taong kasalukuyan dakong alas-8 ng gabi nang barilin ang nasabing punong barangay sa panulukan ng A.H. Lacson at Fajardo St., sa Sampaloc.
Nag-ugat umano ang pamamaslang matapos na hindi bigyan ng Clearance ng barangay ang RCJ Bus Lines Terminal na pag-aari umano ni Rolando Abadilla Jr.,para sa panibagong business permit. Dahil dito itinurong mastermind si Abadilla, matapos lumutang ang ilang testigo sa tanggapan ni Chief Insp. Yanquiling,kaya nagsagawa na ng follow-up operation ang pulisya. Mariin namang itinanggi ng mga suspect ang bintang laban sa kanila. (Doris Franche)