Nabahiran na ng dugo ang kabi-kabilang panggigipit kay Genuine Opposition (GO) senatorial bet Alan Cayetano nang tambangan at mapatay ang isa sa mga political leader nito, samantalang sugatan naman ang isa pa sa lungsod ng Taguig.
Si Epimaco Pepito, 49, may-asawa, retired Phil Army member at residente ng #61 8th St., Purok 10-B, Zone 1, Signal Village, ay idineklarang dead on the spot dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sugatan naman ang kasamahan nito na inoobserbahan sa Orthopedic Hospital na kinilalang si Minda C. Fernandez, 54, #37 Chesa St., Zone 1, Signal Village.
Sila ay mga tauhan ni District 2 congressional bet ret. Gen. Arturo Alit na manok naman ni Cayetano. Katunggali ni Alit si congressional bet Henry Jun Duenas.
Nabatid na pasado ala-1 ng madaling-araw kahapon, kagagaling lamang nina Pepito at Fernandez sa G-House ni Alit nang bigla na lamang silang paputukan ng tatlong mga suspect habang sakay ng isang Tamaraw FX. Hinala ng ilan, posible umanong si Alit ang target ng mga salarin at napagkamalan lamang ang mga biktima.
Sa congressional race ng District 2 sa Taguig, nangunguna sa bilangan si Jet Reyes, habang nakadikit sa kanya si Alit at pang-ilalim naman si Duenas.
Ayaw magsalita ni Alit kung sino ang kanyang pinaghihinalaan, ngunit sa panayam, sinabi nitong ‘there is strong possibility na pulitika, pero ayaw ko pa munang mag-comment.’
Sa kaugnay na balita, tuluyan nang nakamit ang panalo ni Taguig 1 District congressional bet Ma. Laarni ‘Lani’ Cayetano nang talunin nito ang katunggaling si Arnel Mendiola Cerafica sa lamang na 2,489 votes na kakampi naman ni Tinga.
Si Lani ay nakakuha ng 30,969 votes kontra kay Cerafica na may 28,480 boto, samantalang malayo naman sa kanila ang isa pang congressional bet na si Jose Pepe Capco sa botong 5,558.