Atty. Binay umarangkada sa survey
Lalong lumaki ang lamang ni Atty. Abigail Binay sa pinakahuling survey sa pagka-kongresista sa Second District ng Makati. Ayon sa survey, nakuha ni Atty. Binay ang 68 percent ng mga boto ng residente sa nasabing distrito, kumpara sa 21 percent lamang para kay Erwin Genuino, ang anak ni PAGCOR Chairman Ephraim Genuino na siyang kandidato ni Presidente Arroyo sa nasabing lugar. Ito ay malaking pag-angat sa resulta ng Pulse Asia survey sa nasabing lugar noong Abril, kung saan lamang din si Atty. Binay kay Genuino. Sa survey na ito, nakuha ng anak ni Mayor Jejomar Binay ang 55 percent, kumpara sa 19 percent lamang sa kanyang katunggali. Tumaas ang suporta para kay Atty. Binay sa lahat ng barangay sa Second District ng Makati. Ang nasabing survey ay isinagawa noong Linggo, dalawang araw matapos suspindihin ng Ombudsman si Mayor Binay. Tinawag ni Mayor Binay na panggigipit ang suspension, na daliang ipinataw ilang araw lamang bago ang eleksiyon sa Lunes. Ayon kay Atty. Binay, ang malaking bilang ng mga dati ay undecided ang nagpahayag ng suporta para sa kanya bunga ng sunud-sunod nang panggigipit sa kanyang ama, na presidente ng United Opposition (UNO) at dahil na rin sa kawalan ng kongkretong programa ng kabilang kampo.