Trader nilooban saka kinatay

Isa na namang 33-anyos na negosyante ang inatado ng saksak hanggang sa masawi nang muling umatake ang pinaghihinalaang mga miyembro ng hold-up and robbery Gang, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Batay sa ulat ng pulisya, hindi na umabot pa ng buhay sa Parañaque City Community Hospital ang biktimang si Michael Bert Olarte, junkshop owner na nagtamo ng malalalim sa saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang tatlong suspect na mabilis na nagsitakas matapos paslangin ang biktima at makulimbat ang mahahalagang bagay, pera at alahas ng huli.

Base sa ulat, naganap ang krimen dakong alas-6 ng umaga sa loob mismo ng junkshop ng nasawi na matatagpuan sa 171 PNR Site, East Service Road, nabanggit na lungsod.

Nabatid na kabubukas lamang ng biktima sa kanyang junkshop at habang abala ito sa pagsasalansan ng kanyang mga kagamitan nang biglang pumasok ang tatlong suspect na agad na nagdeklara ng holdap. Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nagtamo ng mahigit sa sampung malalalim na saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na naging dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.

May hinala ang mga awtoridad na posibleng nakapanlaban pa ang biktima sa mga suspect makaraang madiskubre na nagulo at nagkalat ang mga kagamitan sa loob ng tanggapan ng biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments