Si Binay ang umaktong abogado ng kanyang sarili kasama ng iba pang mga abogado nito sa proceedings na nagsimula ganap na alas-9 ng umaga at nagtapos ganap na alas-10:35 ng umaga. Agad itong nakaiskor nang kunin niya sa Ombudsman panel ang aspeto ng kasong administratibo na nakasaad sa notice na naipadala dito para sa proceedings hindi kasama ang aspetong kriminal.
Unang sinabi ni Deputy Ombudsman Orlando Casimiro na bagamat kailangang maipakita ang mga ebidensiya laban sa alkalde sa aspetong administratibo at kriminal man, ang pagdinig sa kasong ito ay dapat na magpatuloy ng maayos. Dito, hinikayat din ni Binay si Ibay na kumpirmahin nito ang dokumento ng reklamo nito sa Ombudsman upang siya mismong magiging basehan nito sa kanyang gagawing counter-affidavit sa kaso.
"Paano ako na-suspend? Bakit ngayon mo lang pala ipapa-confirm. How was I suspended? Why are you reminding us just now about the documents"pahayag ni Binay sa five man panel ng Ombudsman.
Samantala, pormal na hiniling ng DILG sa Office of the Solicitor General ang pansamantalang pagpapatigil sa anim na buwang suspensyon na iginawad ng Office of the Ombudsman kay Makati Mayor Jejomar Binay. Nakasaad sa liham na ipinadala ni Undersecretary Marius Corpus kay Solicitor General Agnes Devanadera na nararapat na itigil muna ang suspensyon kay Binay at kay Makati City treasurer Luz Yamane hanggang sa matapos ang election period. Ito’y upang hindi isipin ng publiko partikular na ng mga residente ng Makati na politika ang dahilan ng pagtatanggal kay Binay sa puwesto nito sa naturang lungsod.
Gayunman, patuloy namang iginiit ni Corpus na technically suspended pa rin si Binay matapos na maihain ang suspension noong nakaraang Biyernes at hindi ito maaaring pumirma at mag-apruba ng mga dokumento at papeles kaugnay ng gawain ng isang alkalde. Posible namang mapatawan ng parusa si Secretary Ronaldo Puno dahil sa pag-atras sa inihaing suspension dahil sa wala umano itong awtoridad na gawin ito galing sa Office of the Ombudsman. Sinabi ni Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro na maaaring masampahan ng kasong administratibo si Puno dahil sa negligence of duty. (Angie dela Cruz, Danilo Garcia at Rose Tamayo-Tesoro)