"Para maging parehas, ipinagpaliban ko ang pagpapatupad ng preventive suspension (na ipinataw ng Ombudsman) kay Makati City Mayor Jejomar Binay habang panahon ng halalan," sabi ni Puno.
Nakatakda namang hilingin ni Puno sa Office of the Solicitor General na magsumite ng angkop na mosyon para sa muling pag-aaral sa suspension ni Binay.
Matatandaan na nitong Mayo 4, sinuspinde ng Ombudsman sina Binay at City Treasurer Luz Yamane sa loob ng anim na buwan dahil sa kasong administratibo na isinampa ni Councilor Oscar Ibay sa akusasyon sa pagkakaroon ng ghost employee sa payroll ng pamahalaang lungsod ng Makati.
Kasabay nito, pinawalambisa ng Bureau of Internal Revenue ang freeze order na ipinalabas laban sa mga bank accounts ng Makati City government.
Nabatid na mismong si BIR Commissioner Jose Mario Buñag ang nag-utos na i-lift ang nasabing freeze order upang hindi na umano maantala pa ang pagbibigay ng pamahalaang lungsod ng basic services sa mga residente ng Makati.
Noong May 2, nagpalabas ng garnishment order si BIR district officer Roberto Baquiran upang i-freeze ng mga bangko ang accounts ng city government at ang personal accounts ni Makati Mayor Jejomar C. Binay at City Vice Mayor Ernesto Mercado dahil sa hindi pagbabayad ng P1.1 billion na withholding taxes ng 8,000 empleyado mula 1999 hanggang 2002.
Kasabay nito, nilinaw nina Reps. Edwin Uy (Lakas-Isabela) at Eladio Jala (Lakas-Bohol) na walang nagaganap na "di-deklaradong" batas militar sa Makati City na tulad ng sinasabi ni Binay.
Umapela rin ang mga mambabatas sa mga taga-suporta ni Binay at sa mga awtoridad na maging mahinahon para maiwasan ang anumang marahas na komprontasyon. (Danilo Garcia, Rose Tamayo At Butch Quejada)