Inside job bubusisiin sa bank holdap

Inside job ang isa sa anggulong sinisiyasat ngayon ng pulisya matapos holdapin ng may 20 armadong kalalakihan ang isang sangay ng BPI Bank na nasa loob ng isang mall sa Fairview, kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-4 ng hapon nang pasukin at holdapin ng mga suspect ang nabanggit na banko.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang mga empleyado ng banko at limang guwardya, na inimbitahan sa Camp Karingal.

Isinailalim din sa technical examination ang mga narekober na bala at magazine ng 40mm grenade launcher, M-15 at M-14 rifles na ginamit sa panghoholdap ng mga suspect.

Napag-alaman naman mula sa rekord ng Land Transportation Office (LTO) na ang plakang WAX-977 na namataang nakakabit sa isa sa mga getaway car ng mga holdaper na Hyundai silver ay orihinal na nakakabit sa isang Izuzu Hi-Lander na pagmamay -ari nina Rodolfo at Luzviminda Remalla.

Habang ang isa pang get-away car na Toyota Revo XJT-421 na kulay green ay orihinal na nakakabit sa Suzuki 2000 model at nakarehistro sa isang Lauro Paguio at Carmen Zaragosa, ng Nueva Ecija.

Ayon sa imbestigador, tinatayang may P.4 milyon ang natangay ng mga holdaper mula sa cashier ng banko. Hindi nabuksan ng mga suspect ang vault.

Malaki rin ang paniwala ng pulisya na ang mga ito ay ang natitirang miyembro ng "Ampang Group" na nag-ooperate sa Metro Manila at karatig lalawigan na posibleng may kontak sa loob ng banko. (Lordeth Bonilla)

Show comments