Si Jonathan Agoy, 36, electrician at residente ng #642 Libis Espina St., Caloocan City at may kasong paglabag sa Republic Act 7832 (anti-electricity pilferage act) ay hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) matapos itong mahirapang huminga.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID) na si Agoy ay nakulong matapos itong ireklamo ng Manila Electric Company (Meralco), dahil sa illegal connection.
Sa pahayag ni PO1 Marcelino Amin, duty jailer ng nasabing piitan, dakong alas-9:20 ng umaga noong Miyerkules nang unang magreklamo sa kanya si Agoy dahil sa panlalamig at nahihirapang huminga at may mataas na lagnat.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ni duty officer, Insp. Joven dela Piedra na isugod ang biktima sa naturang pagamutan ngunit idineklara itong dead-on-arrival ng attending physician na si Dra. Victoria Ignacio.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na hinihintay ng mga awtoridad ang resulta ng autopsy sa biktima upang matukoy kung ano ang dahilan ng ikinamatay ni Agoy. (Lordeth Bonilla)