Sunog na sunog nang marekober ng mga awtoridad ang katawan ng biktima na kinilalang si Capt. Paulo de Castro, 28, piloto ng Frontier Air.
Ayon kay MIAA Assistant General Manager for Security and Emergency Services Angel Atutubo, dakong alas-9:45 ng umaga nang makita ng mga residente ang gegewang-gewang na Cessna plane sa ere. Ilang sandali pa at nakita na nila na pabagsak na ito.
Pinilit umano ng piloto na iikot ang eroplano matapos na makitang ang babagsakan niya ay mga kabahayan hanggang sa bumulusok nga ito at pinatama sa bakanteng lote sa Burgos Compound sa nabanggit na subdivision.
"Nawalan siya ng kontrol sa ere. Walang usok pero pagewang-gewang ang eroplano hanggang sa inikot nito patungo sa isang bakanteng lote at doon bumagsak. Sumabog po, malakas na malakas," ayon sa isang residente.
Nauna rito, nag-take off ang Cessna plane na nakatakdang tumungo sa Roxas, Palawan dakong alas-9:34 ng umaga sa Domestic Airport at dakong alas-9:37 ay tumawag ang naturang piloto sa airport base at sinabing babalik siya sa airport. Ito lang ang naitalang pakikipag-usap ng piloto hanggang sa mawalan na ng komunikasyon. Alas-9:45 nang maitala itong tuluyang bumagsak.
Sinabi ni Atutubo na magaling na piloto si de Castro at maituturing na isang bayani dahil sa pag-iwas nito sa maraming kabahayan sanhi upang walang madamay na residente.
Bagaman hinihinala na mechanical trouble ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang Air Transportation Office (ATO) hinggil sa nasabing insidente.