Nagpalabas kahapon ng sertipikasyon si CSC Director Atty. Judith Chicano na nagbeberepika na hindi pa ipinababago ni C/Supt. Armando Llamasares ang kanyang petsa ng kapanganakan noong Pebrero 9, 1950 na siyang nakatala sa komisyon, maging sa National Census Commission, mga record sa paaralan at iba pang transaksyon nito sa gobyerno.
Nabatid na unang inihayag ni Llamasares na ipinabago na niya ang kanyang kapanganakan sa Pebrero 9, 1952 dahil sa pagkakamali kung saan nangangahulugan na magreretiro pa ito sa susunod na taon matapos na makakuha ng "appointment" buhat sa Palasyo ng Malacañang bilang hepe ng BJMP.
Kinuwestiyon naman ng isang grupo ng mga jail officers sa pangunguna ni C/Supt. Clarito Jover ang appointment ni Llamasares dahil sa isyu ng kanyang tunay na edad at kawalan ng Career Executive Service Eligibility (CESO) buhat sa CSC na requirements base sa batas para sa naturang 3rd level position sa pamahalaan. Nagpadala ng liham ang abogado ni Jover na si Atty. Danny Villanueva sa CSC na nagsa saad na "overstaying" na sa BJMP si Llamasares dahil sa petsa ng kapanganakan nito na Pebrero 9, 1950. (Danilo Garcia)