Ang paglagda sa Peace Covenant ay pinangunahan kahapon nina Mayoralty candidate Rep. Robert "Dodot" Jaworski at Councilor Robert "Bobby" Eusebio na sinaksihan ng pamunuan ng EPD at Commission on Election (COMELEC).
Bukod kina Jaworski at Eusebio ay dumalo din sa nasabing peace covenant sina Atty. Alberto Romulo at Rosalio "Yoyong" Martirez, tumatakbo sa Congressional at Vice mayoralty sa panig ni Eusebio, habang ang negosyanteng si Toti Carino at Etchie Ramos naman sa panig ni Jaworski.
Dahil sa ginawang peace pact ng dalawang grupo ay inaasahan ng PNP na tutupad ang mga ito para mapanatiling maayos at walang kaguluhang mangyayari sa lungsod hanggang sa araw ng eleksyon sa Mayo 14.
"Pero hindi ibig sabihin na mag-relax na tayo sa ating responsibilidad sa eleksyon. Ang peace covenant ay isang kasunduan lamang at puwede itong labagin, at iyan ang ating babantayan sa magkabilang kampo", diin ni EPD director Luizo Ticman.
Matatandaang isa ang Pasig City sa tatlong lugar na tinututukan ngayon ng PNP sa Metro Manila dahil sa posibleng kaguluhang magaganap dahil sa eleksyon. (Edwin Balasa)