P7.50 pasahe sa jeep, giit ng jeepney drivers

Hiniling kahapon ng samahan ng jeepney drivers na ibalik na ang dating P7.50 na pasahe para sa unang apat na kilometro sa Metro Manila, Southern Tagalog at sa Central Luzon areas.

Sa panayam kay Efren de Luna, national president of Alliance Transport Concerned Organization na nakatakda silang magsumite ng petisyon anu mang araw sa loob ng linggong ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ipabawi na sa nasabing ahensiya ang .50 centavos jeepney fare rollback.

Nabatid na noong Disyembre ng nakaraang taon pa sinimulang ipatupad ng LTFRB ang rollback ng pamasahe sa Metro Manila, Southern Tagalog at Central Luzon , matapos na magsampa ng petisyon ang Urban Poor Group para dito.

"Medyo masakit na ito at sobra na talaga, dahil nitong weekend binulaga na naman tayo ng mga oil companies sa biglaang pagtataas ng langis kaya talagang ipipilit na namin ibalik na sa dating P7.50 ang pasahe sa mga pampasaherong jeepney", ayon kay de Luna.

Humihingi naman ng paumanhin ang ACTO sa publiko partikular na ang mga pasaherong maapektuhan ng kanilang nasabing kahilingan. "Give and take tayo! Nagbigay na kami noong pang isang taon, kami naman ang pagbigyan n’yo na ibalik na ang dating pasahe na P7.50 para lahat masaya," ayon kay de Luna.

Ayon naman sa pamunuan ng LTFRB, bukas anila ang ka nilang tanggapan para sa nasabing petisyon ng mga jeepney drivers at hinihintay na lamang nila ito na maisumite ng mga huli. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments