Kinilala ang Pinay na si Marivel Dacallos, may-asawa, tubong San Leon, Moncada, Tarlac. Dumating siya sa Ninoy Aquino International Airport-Centennial Terminal 2 sakay ng Philippine Air line flight PR 504 mula sa Singapore noong nakaraang linggo.
Mangiyak-ngiyak na inilahad sa PSN ni Dacallos ang pagmamaltrato sa kanya ng among sina Cheang Kit May at asawang si Sam Kam Keith ng 898-B Woodlands Drive, Singapore.
Nagsimula aniya ang kalupitan sa kanya ng mag-asawang Singaporean nang isama siya ng mga ito sa Malaysia noong Marso 2, 2007 mula sa Singapore.
Habang nag-aayos ng gamit si Dacallos ay lumapit ang among lalaki at pinapakuha sa isang drawer ang "card" na sa dinig niya ay "cat." Dahil sa pag-aakala ni Dacallos na pusa ay naghanap ito subalit nang walang makita ay galit na galit na lumapit ang amo saka kinuha ang "card" o baraha at inihampas sa mukha ng biktima.
Nang magpaliwanag si Dacallos na iyon ay card at hindi cat, lalong nagalit ang amo at saka siya ginulpi.
"You Filipino stupid, you have poor English. You are using many ‘R’! We are here in Malaysia. I can beat you anytime I want (Istupido kayong mga Pilipino. Mahina kayo sa Ingles. Napakarami ng ginagamit ninyong R. Narito tayo sa Malaysia. Mabubugbog kita kahit kailan)," galit na pahayag ng amo habang sinasaktan si Dacallos.
Nang tangkain ni Dacallos na sumagot ay pinagtulungan na siyang bugbugin ng mag-asawa.
Inakala ni Dacallos na matatapos ang pagmamalupit sa kanya ng kanyang mga amo kapag nakabalik na sila sa Singapore subalit hanggang sa pag-uwi nila doon ay lagi na umano siyang sinasaktan sa kaunting pagkakamali.
Nang magreklamo si Dacallos ay nagpasya ang amo na dalhin siya sa Crislo Employment Agency sa Singapore na siyang kumuha sa kanya upang ireklamo dahil sa umano’y katamaran at pagiging istupido niya.
Isang linggong pinatira si Dacallos sa ahensya habang pinaghihilom ang mga pasa at sugat niya sa katawan bago siya pinabalik sa Pilipinas. (Ellen Fernando)