Ayon kay MPD Director Senior Supt. Danilo Abarzosa, sapat ang bilang ng mga pulis na kanilang ipakakalat sa mga sports complex para matiyak na hindi mahahaluan ng anumang karahasan ang event.
Madaling-araw pa lamang ay ipadadala na ang mga pulis upang magbantay sa mga sports complex kung saan nakaugalian nang ipalabas sa lungsod ng Maynila ang laban ni Pacquiao upang mapanood ng mga Manilenyo. Magtatalaga rin ng mga K-9 units at mga miyembro ng MPD bomb squad sa mga lugar.
Inaasahang magtatayo ng mga naglalakihang wide screen sa mga sports complex ang Manila City government upang libreng mapanood ng mga residente ang laban ng ‘adopted son’ ng lungsod.
Kabilang sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga Manilenyo na nais makapanood ng pinakahihintay na laban ni Pacquiao ay ang Delpan Sports Complex sa Tondo; Dapitan Sports Complex sa Sampaloc; San Andres Sports Complex sa San Andres; Rizal Baseball Stadium sa Malate; Ninoy Aquino Stadium sa Malate; Malikhain Centro ng Manilenyo sa Tondo at ang Tondo Sports complex.
Ang lungsod ng Maynila ang nag-aruga sa boksingero bago pa man ito naging tanyag sa larangan ng boxing at mag-uwi ng sunud-sunod na karangalan sa bansa. (Doris Franche)