Iprinisinta kahapon ang suspek na si Jerry Usman Sumilalao, 26, may-asawa, tubong Buluan, Maguindanao, at pansamantalang naninirahan sa Taguig City. Nakatakas naman ang kanyang kasamahan na nakilalang si Tohamie Alon Uda, 29-anyos, na siyang nagmamaneho ng itim na Honda Wave na may plakang ZL-1473.
Sa ulat ng QCPD-Mobile Patrol unit, nadakip ang suspect dakong ala-1:30 ng hapon sa panulukan ng Mindanao at North Avenue kung saan isang checkpoint ang isinagawa ng pulisya matapos na tambangan ng mga naka- motorsiklo ring suspect ang isang Tsinoy sa Balintawak, Quezon City.
Pinara ng mga pulis ang motorsiklong kinalululanan ng dalawang suspect ngunit pinaharurot pa rin ito ng driver na si Uda. Minalas naman na malaglag ang nakaangkas na si Sumilalao na nawalan rin ng malay nang puntahan ng mga pulis.
Agad na isinugod si Sumilalao sa Veterans Memorial Medical Center kung saan dito na ito nagkamalay. Sinabi ni Sumilalao na may sakit umano siyang "epilepsy" at nawalan siya ng ulirat dahil sa sobrang kaba nang parahin ng mga pulis sa checkpoint.
Nakumpiska naman sa posesyon nito ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu na nakaipit sa dala nitong mga diaper ng sanggol.
Ayon kay Gatdula, posibleng mga kasamahan rin ang suspek ng grupong namaril sa biktimang si Jimmy Tan, ng Caloocan City dakong ala-1 ng hapon sa kahabaan ng EDSA, Balintawak at tumangay sa bag nito na hinihinalang naglalaman ng malaking halaga ng salapi. (Danilo Garcia)