Ito ang inihayag kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Deputy Director Reynaldo Varilla sa lingguhang Talakayan sa Isyung Pulis (TSIP) na ginaganap sa Camp Crame.
Ayon kay Varilla posibleng magkaroon ng karahasan sa mga nasabing lungsod dahil sa mainitang labanan para makuha ang minimithing puwesto.
"Kaya kailangang todo bantay ang kapulisan natin sa mga nasabing lungsod dahil baka kapag naumpisahan ay magtuluy-tuloy na ang karahasan dito, sa ngayon ay wala pa namang election related violence ang nangyayari sa Kamaynilaan," pahayag ni Varilla.
Kabilang sa tatlong lungsod na tinututukan ng PNP ngayong eleksyon ay ang Pasig, Pasay at Caloocan City.
Sa Pasig ay inaasahang magiging mahigpit na magkakatunggali sa mayoralty race sina congressman Robert "Dodot" Jaworski na mas piniling tumakbo bilang alkalde kaysa magre-elect bilang kongresista at Robert Eusebio Jr., numero unong konsehal ng lungsod na anak ni incumbent Mayor Vicente Eusebio, habang sa Congressional seat naman ay paglalabanan ng negosyanteng si Toti Carino na kaalyado ni Dodot at Atty. Roman Romulo na ka-tiket naman ni Eusebio.
Sa Pasay naman ay mahigpit na maglalaban sa pagka-alkalde sina incumbent Mayor Peewee Trinidad at Congresswoman Connie Dy, habang sa Caloocan ay magtatapat sina incumbent Mayor Recom Echiverri, dating alkaldeng si Rey Malonzo at ang magkapatid na Asistio.
Dagdag pa ni Varilla, na hindi rin malabong maisailalim ang tatlong lungsod sa Metro Manila na maisailalim sa Comelec control sa sandaling lumala ang sitwasyon dito.