Sa ginanap na press conference kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Supt. Rodrigo Bonifacio, administrative officer ng Traffic Management Group (TMG) ng PNP na kaya siya sumuko ay upang itanggi na siya ang utak sa pagdukot kay Chief Insp. Medel Pone, hepe ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Quezon City Police District (QCPD) na tinangay ng ilang armadong kalalakihan sa bahay ng isang Genevie Winters sa Tandang Sora, Quezon City noong Pebrero 1.
Si Bonifacio ay dating girlfriend ni Genevie na naging karelasyon din ng biktimang si Pone.
Sinabi ni Bonifacio na kaya lang umano siya nagtago ay natakot umano siya matapos na malaman na naglabas na ng manhunt order si TMG Director Chief Supt. Errol Pan laban sa kanya.
"I come out into the open, willing to cooperate with the preliminary investigation, tell the truth, what I really heard," pahayag ni Bonifacio sa harap ng media.
Napag-alaman naman kay Pan na bago ang nasabing pagdukot ay naka- leave na si Bonifacio simula pa noong Enero 28 upang ayusin umano ang kanyang mga personal na problema at nakatakda sana siyang bumalik sa serbisyo ng Pebrero 9. Subalit hindi na ito pumasok dahil umano sa manhunt order.
Dahil sa pagtatago ni Bonifacio, ayon kay Pan ay nahaharap ito sa kasong administratibo katulad ng Absence Without Official Leave at Service of misconduct.
Ang kasong abduction din ay nakabimbin pa rin sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin alam kung ano na ang nangyari kay Pone mula nang ito ay dukutin sa bahay ng girlfriend na si Genevie. (Edwin Balasa)