Sa ilang minuto din niyang pagsasalita habang isinasagawa ang pangho-hostage sa mga paslit, nagawa ni Ducat na maihayag ang lahat ng kanyang damdamin tungkol sa paggamit ng mga pulitiko sa mahihirap na masang Pilipino.
Tinuligsa nito ang mga pangako ng mga kandidato tungkol sa edukasyon ng mga kabataan, pero kapag naupo na raw ang mga ito ay wala nang linaw tungkol sa pag-aaral ng mga batang nasa mahihirap na pamilya.
Maging ang problema sa pabahay ay binigyang pansin ni Ducat sa pagkakataon na kanyang nakuha sa media.
Sa kanyang pahayag, sinabi nitong hindi niya sasaktan ang mga bata at ang kanyang ginawang pangho-hostage sa mga ito ay para na rin sa kanilang kinabukasan. Mas lalo umanong magiging kawawa ang mga bata kung walang tutulong sa kanila para sa kanilang maayos na kinabukasan.
Tinuligsa nito ang daan-daang milyun na ginagastos ng mga kandidato sa kanilang mga political ads habang milyun-milyung mga bata ang hindi nakakapag-aral.
Sinabi pa ni Ducat na hindi na niya makayanan ang pananatiling mahirap ng mga tao habang ang ibang mayayaman ay patuloy sa pagyaman lalo na ang mga pulitiko na hindi mabigyan ng sapat na pangangailangan ang mga malilit na pamilya.
Nais ni Ducat na mabigyan ng maayos na edukasyon ang may 145 pre-school children hanggang kolehiyo at libreng pabahay.
Maging ang anak ni Ducat na si Buboy ay nagtataka sa naging aksyon ng ama, pero naiintindihan umano niya ang adhikain nitong mabigyan ng maayos na buhay ang mga maliliit na pamilya.
Mahinahon umano ang kanyang ama at mapagkawanggawa. Nakakapagpalibing ito ng libre dahil may sarili silang punerarya kung saan itinatawag lang at ito na mismo ang mag-aasikaso. Isa umano itong pilantropo at hindi masamang tao.