Dadaang motorsiklo sa Makati, kokontrolin

Upang maiwasang magamit ng sindikato ang mga motorsiklo sa anumang uri ng krimen, maghihigpit at kokontrolin na ng pamahalaang lungsod ng Makati ang bilang ng mga motorsiklong nagbibiyahe dito sa pamamagitan ng paglalagay ng stickers at control numbers sa mga dadaang sasakyan.

Kaugnay nito, inilunsad ng Makati Police ang "Project Clean Motorbike" para masubaybayan at malimitahan ang mga gumagamit ng motorsiklo.

Ang naturang hakbang ay inutos ni Makati City Jejomar C. Binay upang mapangalagaan at maprotektahan ang mga taga-Makati mula sa mga masasamang-loob na kadalasang gamit sa operasyon ay mga motorsiklo.

Sinabi ni Makati Police Chief Supt. Gilbert Cruz, ang mga enforcers ay inatasang mag-verify ng Certificates of Registration(CR) at Original Receipts (OR) ng mga motorbikes na pumapasok sa hurisdiksiyon ng Makati City bukod pa sa pagkuha ng litrato sa mga license plates ng mga ito at kakabitan ng stickers makaraang mainspeksiyon. Lalagyan din ng mga enforcers ng "NO CR/NO STICKER" ang mga motorbikes na walang kaukalang papeles at ang mga riders ay isasailalim sa imbestigasyon. Nakatakdang ipatupad ang programa ng Makati Police bukas Lunes Marso 26 sa lahat ng checkpoints sa lungsod. (Angie dela Cruz)

Show comments