QC at UST, sasaklolo sa mga biktima ng pang-aabuso

Magsasanib ang puwersa ng Pamahalaang Lungsod Quezon at University of Santo Tomas (UST) Graduate School of Psychotrauma Clinic upang mabigyan ng karampatang tulong ang mga kababaihan at kabataang biktima ng pang-aabuso.

Sa ilalim ng "Kanlungan ng Kababaihan at Kabataan (KKK-SEP)" wellness program, ang mga babae at batang naging biktima ng karahasan at pang-aabuso ay bibigyan ng libreng psychotherapeutic services ng mga nagsanay na tagapayo mula sa UST upang tuluyan nilang makalimutan ang masamang "bangungot" sa kanilang buhay.

Ang pangunahing layunin ng programa ay maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga naabusong biktima para muling maging kapaki-paki nabang na miyembro ng lipunan.

Sinabi ni QC Mayor Feliciano Belmonte Jr. na ang programa ay napapanahon lalo pa at kasalukuyang ipinagdiriwang ang "Buwan ng Kababaihan".

Ang proyekto na bahagi ng community service program ng UST ay isinulong ni Councilor Joseph Juico upang matulungan ang mga taga-QC, partikular ang mga taga-1st District na naging biktima ng karahasan at pang-aabuso.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Victoria Loanzon, special assistant to the mayor at officer-in-charge ng Cultural and Tourism Affairs Office (CTAO), na ang naturang proyekto ay ipatutupad din sa ibang distrito ng lungsod.

Ang UST ay inirepresenta nina Dean Lilian Sison at Dr. Ma. Lourdes Medina sa launching ceremony ng proyekto.

Show comments