Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, maaaring kaharapin ni Tobias ang kaparusahan kabilang dito ang dismissal subalit depende pa rin ito sa paghuhusga ng pamunuan ng CBCP sakaling ipatawag ito at pagpaliwanagin.
Nilinaw naman ni Cruz na hindi pa niya nakakausap si Tobias at wala siyang karapatang tanungin ito at usigin at tanging ang makakapagtanong lamang nito ay ang pamunuan ng CBCP.
Inamin naman nito na tumutulong siya sa pagkalat ng impormasyon tungkol sa nasabing insidente at kanya itong isusumite kay CBCP President Angel Lagdameo.
Matatandaan na nauna nang sinabi ni Tobias na walang masama sa ginawa nitong "blessing" sa bagong pasilidad ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) kung saan nakita rin ang ilang grupo ng mga madre na naglalaro ng slot machines.
Iginiit naman ni Cruz na ang mga pari at Obispo ay may mas mahigpit na kaparusahan na naghihintay kumpara sa mga madre dahil alam naman nila kanilang ginagawa.
Magiging basehan naman ng pagtatanong kay Tobias ay ang nakasaad sa Canon Law kung saan nakasaad ang "clerics and religious should avoid any act unbecoming of their state of life".
Bukod pa dito may patakaran umano ang CBCP simula pa noong taong 2004 na hindi sila tatanggap ng anumang donasyon mula sa Pagcor.
"Just to be present there, not only their presence but to try the slot machines, it’s imprudent," ayon pa kay Cruz.