Kinilala ni P/Sr. Supt. Atilano M. Morada, hepe ng ASG ang suspect na si PO1 Salam Koreng Sakaluran, nakatalaga sa Zamboanga del Norte Provincial Police Office.
Ayon kay Morada, ang pagkakaaresto ni Sakaluran ay kasunod sa pagkakaharang sa isang brown carton box sa Cebu Pacific Cargo area ng Manila Domestic Airport nitong Marso 19. Sa X-ray machine sa airport, nakita sa kahon ang imahe ng iba’t ibang uri ng baril.
Ang nasabing bagahe ay nakapangalan sa isang Jackie Lopez mula sa Quezon City sa 2GO Aboitiz Cargo Forwarding Co. at naka-consign sa isang Mark Alvarez na walang nakalagay na kumpletong address sa Zamboanga City subalit may cellular phone number.
Dahil dito, agad na inatasan ni Morada ang Intelligence Operatives ng 2nd Police Center for Aviation Security na tumungo sa Zamboanga City upang siyang mag-deliver sa naturang bagahe at magsagawa ng entrapment operation. Nitong Marso 21, isang lalaki ang pumasok sa 2GO Cargo na nakabase sa Zamboanga at nagpakilalang si Mark Alvarez at nagtanong kung nakarating na ang nasabing bagahe mula Manila Domestic Airport. Nang ma-claim ni Sakaluran alyas Alvarez ang bagahe ay agad na itong dinakma ng mga operatiba. (Ellen Fernando)