Bomba itinanim sa paaralan

Ginulantang ng malakas na pagsabog ng isang bomba na inilagay sa isang paper bag ang mga estudyante sa isang pribadong paaralan kahapon ng umaga sa Quezon City.

Nabatid na narinig ang pagsabog dakong alas-8:30 ng umaga sa loob ng Our Lady of Grace Montessori School sa Brgy. Old Balara sa kahabaan ng Commonwealth Ave nue sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa security guard ng paaralan na si Consejo Jovena, nakita niya ang isang abandonadong papel na bag sa harapan ng paaralan na kanyang pinulot upang ilagay sa lost and found kung sakaling may kukuha.

Ngunit nang marinig niya ang "tik-tak" ng isang orasan ay agad niya itong itinapon sa isang bakanteng lote sa likuran ng paaralan kung saan ito ay sumabog. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Sa ulat ng pulisya, isa umanong pillbox bomb na may time device ang itinanim sa naturang paaralan. Posible umano na mga estudyante o magulang na may sama ng loob sa kapwa estudyante o sa paaralan ang may kagagawan nito.

Kung hindi umano naagapan at naitapon sa bakanteng lote ang naturang bag ay posibleng marami ang masasaktan at masasawi sa pagsabog nito. (Danilo Garcia)

Show comments